an attempt
SA PAGTATAGPO
Matagal ko na ring inasam na siya’y muling makita’t makausap. Ang seryosong mukha na bigla na lamang ngingiti ng ubod tamis sa pagkakataong makapaglahad ng kanyang kwento tungkol sa sari-saring masa na nakapiling at lubos na pinaglilingkuran. Ang tinig na palaging may bahid na pait at pang-uyam sa mga naghaharing uri na nagpapataw ng kalbaryo ng kahirapan sa sambayanang pinag-uukulan ng lubusang pagmamahal.
“Maunlad?! Maunlad ba’ng tawag mo diyan? Ilang magsasaka ba ang inagawan ng lupa para lamang sa mga golf courses at commercial establishments na iyan? Libu-libo! At ilan naman ba ang nagmamay-ari ng mga iyan? Isa, dalawa, tatlong mayayamang gahaman sa tubo!
“Tayo ba’y nakakapasok sa mga establisyementong iyan? Hindi! Bilang binabarat na manggagawa lamang na binabanat ang lakas paggawa upang kumita ng doble-dobleng tubo…
“Kung hindi ba naman ulupong ang papet na estado sa mga ‘land reform programs’ na iyan, ang nangyayari, imbes na magkaroon ng sapat na lupang sasakahin ang mga magsasaka, ‘land grabbing’ at ‘land use conversion’ ang kinakalabasan para sa makasariling interes ng panginoong maylupa at kasosyo nilang mga monopolyo kapitalista. Ginagamit pa nila ang mga manggagantsong DAR at DENR para dito!”
“ Ano bang sumaksak sa kukote mo’t bigla kang naging ganyan, ha?” ang tanong ko
“Hindi ka naman inaano ng mga iyan – inaaway mo?”
“ Kailangan tayong mamulat sa totoong nangyayari sa ating lipunan! Kailangang alamin natin kung bakit sa kabila ng ating mga pagsisikap na makatapos mag-aral, magkayod-kabayo upang umasenso ay wala! Walang nagbabago! Totoo bang mga batugan tayo at ayaw umasenso? Simpleng crab mentality ba ang problema ng sambayanan?” sumbat niya.
“ Ikaw! Mga katulad mo ang problema sa lipunan - mga walang magawa kundi magreklamo, mang-alaska at hindi makuntento!”
Ang kanyang tugon ay ang nag-uunahang pag-agos ng luha sa pisngi …

0 Comments:
Post a Comment
<< Home