an attempt part 3
PULTAYM ang tawag nila doon. Ang lubusang pag-aalay ng panahon sa paglilingkod, ang pagyakap sa simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka, pagpapaloob sa pambansa demokratikong kilusan. Sa isang liham ng pagpapaalam, inilahad niya ang mga kontradiksyong nagtalo sa kamalayan at ang matinik na prosesong nagbigay sa kanya ng sapat na tatag upang makapagdesisyon at panghawakan ito. Dumalang ang mga panahong kami’y nagkasama at nagkatalakayan.
Naghanap at nangulila nga ba ako sa kanyang katauhan? Sa mga payak na kapaliwanagan at matiyagang pagbibigay kaalaman? --- Iniisip ko ngayon.
Nalaman ko na lamang mula sa kanyang magulang na siya’y tuluyan nang sumampa sa kanayunan at hindi na kami nagkakumustahan o nagkita man lang. Naging emosyonal ang pagtanggap ko sa balitang ito. Awa sa kanyang magulang at pagkadismaya sa kanya. Anong klaseng anak ang pinag-aral ng magulang at mauuwi sa pagiging rebelde?
“Kasama, malalim na naman ang nilalakbay ng isip mo, ah – umaga na’t tama na’ng panaginip!” pagbibiro ng isang kasama.
“Ah?! Wala…este, naaalimpungatan lang. Siyanga pala, Kas, puwede bang matanong kung may kilala kang isang kasama na …”
Naugnayan muli ako sa pamamagitan ng aming unyon na may prinsipyong tunay, palaban at makabayan. May matinding laban
Umabot ng tatlong buwan ang aming organisadong pag-aaklas bago nagpahinuhod ang kapitalista, kinansela ang lahat ng kaso sa korte at itinuloy ang CBA kasabay ang pagpapaloob sa MOA.
Tulad ng binhing matagal nang itinanim, inalagaan ngunit noon pa lamang napayabong, masasabing pag-aani ang panahong iyon – lubusan kong naunawaan at ipinaloob ang aking sarili sa anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasistang laban ng sambayanan at ang pangangailangan ng radikal na pagbabago – ang rebolusyon. Hindi na ako bumalik sa trabaho at pormal na nagpahayag ng kahandaang mag-PULTAYM sa Bagong Hukbong Bayan. Ahh, kataas-taasang pagpupugay sa abanteng destakamento – ang militante at palabang manggagawa – tagapaglikha ng yaman na mapagpasyang kakalag sa tanikala ng pagsasamantala at kahirapan.
Ilang buwan ang nakalipas mula nang ako’y pormal na nakapagmungkahi na makita’t makausap ang kasamang naging importanteng bahagi ng aking buhay sa rebolusyon. Iniisip ko siya ngayon – uli. Ilan na bang taon ang namagitan sa akin at ang dating matalik na kaibigan? Malalaman pa ba kaya niya…?
“Nagpaabot ng sulat ang aming yunit sa larangang maaaring kinabibilangan o kaya’y dating kinilusan ng sinasabi mong kasama.” Ito ang naging tugon sa aking mungkahi. “Ka Sam daw ang pangalan niya.”
Muli’y nagmungkahi ang aking yunit ng isang pulong upang kami’y magkausap at positibo naman ang tugon. Excited ang mga kasama na makilala si Ka Sam dahil bahagi siya ng aking kasaysayan sa pakikibaka. Mayaman na daw ito sa karanasan dahil ilang taon na rin sa AS. Masikhay sa paggampan sa rebolusyunaryong gawain sa mga dati at bagong baseng masa at palagiang kinakakitaan ng kasiglahan at kagalakan sa piling ng masa. CO na ito sa isang yunit sandatahan. At parating sila ngayon…
SERYOSO pa rin ang kanyang mukha, kita ang malusog na pintog ng kayumangging balat na bilad sa init ng araw at masayang kislap ng mata – indikasyon ng malalim na dedikasyon sa gawain. Ayon sa aking naalala, walang gaanong nabago sa balingkinitang pangangatawan at katamtamang haba ng buhok na palaging nakatirintas.
Nataranta ‘ata ako’t natulala at binalingan ng tuksuhan ng mga kasama. Kami’y nagkaharap at … naputol ba ang dila ko?!
“Kumusta, kas?” kaswal ang tinig niya.
Gayunman, sa kanyang mga mata makikita ang kagalakan sa aming pagtatagpo. Napalundag ang aking puso – tila gusto kong humiyaw, lumukso at … humagulhol sa matinding kasiyahan. Ginagap ko na lamang muna ang kanyang kamay sa isang mahigpit na pakikipagdaop, ahhh, may oras naman upang isa-isang ipamalas ang lahat ng nararamdaman ko. May sapat pang panahon upang talagang makapag-kumustahan.
Aniya, “Hindi bigo ang paghihintay ng malawak na masa ng sambayanan at ng proletaryong hukbo para sainyo, Kasama!” -30-