Duyan

aling pag-ibig pa, ang hihigit kaya...sa pag-ibig sa tinubuang lupa?

Friday, January 20, 2006

an attempt part 2

Hanggang ngayon, nais kong batukan ang sarili ko sa pandudustang ipinataw ko sa kanyang marangal na pagpupunyagi. Sa kabila naman noon, nagpatuloy siya – mga pag-aaral, pag-oorganisa, pagsali sa mobilisasyon at integrasyon. Nakatiim-bagang at madilim ang paningin habang isinasalaysay ang tungkol sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwelahan at ang pananakot ng administrasyon sa mga progresibong organisasyon ng estudyante; mga manggagawang naka-welga sa kanilang pagawaan na nagsusulong ng tunay, palaban at makabayang unyonismo at ipinaglalaban ang dagdag sa sahod, kaseguruhan sa trabaho at lehitimong karapatan sa loob ng pagawaan na sa kabila nito’y tinatapatan ng mga goons at kasong kriminal; mga magsasakang walang sawa sa pagsulong para sa tunay na reporma sa lupa at walang awang pinaparatangan ng mga militar at grupong para-military; mga kabahayan ng mga iskwater na dinedemolis. Ito ang direktang resulta ng buo-buong pag-implementa ng gobyerno liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon alinsunod sa ‘programang globalisasyon’ na dikta ng imperyalistang US sa pamamagitan ng IMF-WB. Kung kaya, patuloy ang ating bansa sa pagiging ‘export-oriented, import-dependent.’ Lubog sa utang, lubog sa krisis.

Ang mga Growth corridors at Export Processing Zones ay siyang pinaglalagakan ng sobra-sobrang kapital na ang lupaing pinagtatayuan nito’y resulta ng land-grabbing sa mga magsasaka. Labor-only contracting, ‘cheap labor’ at ‘no union, no strike policies’ ang

iniimplementa upang pang-akit sa investors. Edukasyong alinsunod sa maka-imperyalistang kurikulum upang makapaghubog pa ng mura at siil ngunit skilled na mga manggagawa. Siyempre pa, nariyan ang pulis at militar na mang-aagaw ng badyet na nakalaan sa edukasyon at iba pang batayang serbisyong panlipunan -oryentasyon sa kanila ay ipagtanggol ang mamamayan, ngunit sa iilang pulitiko at kapitalista nagpapakatuta. Samantala, naririyan palagi ang puwersa armada ng US upang sumuporta sa pagmomodernisa nito na ang totoo’y tine-train para manguna sa mga giyerang kanilang inuukit para sa patuloy na pangongolonya. Bagsakan nga naman ng surplus products nila, kuhanan pa ng raw materials at cheap labor. Kinukondisyon nila ang utak at paniniwala ng mamamayan ng bansa hanggang sa maging pala-asa at pala-samba sa kanila.

Masyadong nakaugat na sa ating lipunan ang pagiging kolonya nito sa mga kapitalistang bansa, partikular na sa US at ito ay mapapatunayan ng mahabang kasaysayan ng pagsasamantala at krisis.

“ Which all adds up to one thing – kanser ang sakit ng ating bayan! Kanser mula sa imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo na sa napakatagal na panahon ay siyang dahilan ng pagiging mala-kolonyal at mala-pyudal ng ating panlipunang sistema. Paghahari, pang-aapi at pagpapakasasa ng iilan sa masaganang yaman ng ating bansa habang pagkalubog sa kumunoy ng kahirapan ng batayang masa at panggitnang puwersa sa lipunan.”

Ahhh, kinakailangang magmulat, mag-organisa at magpakilos ng malawak na masa upang isulong ang kanilang mga interes at karapatan. Ang pagkakaisa ng sambayanan ay siyang magiging mapagpasya upang mabago ang lipunan. At paano nga ba ito mababago?

“Rebolusyong pambansa demokratiko ang katangian, radikal dapat ang pagbabago at hindi lamang reporma.

“Tayo ay nasa isang tunggalian – tunggalian ng uring nagsasamantala at pinagsasamantalahan. Sa mapagpasyang pagkakabuklod ng lahat ng uring inaapi at dinudusta na ibagsak, durugin ang naghaharing uri at ang bulok na sistema ang tanging solusyon upang tayo’y tumungo sa isang lipunang walang konsepto ng pribadong pag-aari at kapital.

“Sa pagtataguyod nito, kailangan ang armado at parliamentaryong porma ng paglaban. Nasa kanayunan ang pinakamahinang kawing ng kaaway – kaya ang ating hukbo sa digmaan

ay doon nakabase. Sa pamamagitan ng pambansa demokratikong prente, kinukubkob naman natin ang kalunsuran na siyang nagkokonsolida sa lahat ng sektor na kalahok sa rebolusyon.

“At hindi naman basta lamang insureksyon, krimen o terorismo - pinag-aaralan ang mga taktika at istratehikong kondisyon sa paglulunsad nito. Ang Partido Komunista ang siyang kataas-taasang organo na gumagabay sa pangkalahatang programa at estratehiya ng laban. Pinapalaganap nito ang prinsipyong MLKMZ na inuugnay sa lahat ng gawain sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

“Matagalan ang digmaan, ngunit ang relatibong krisis na dulot pandaigdigang sistema ng imperyalismo ang siyang magdudulot ng matinding kahirapan na tutulak sa daan-libong mamamayan na magpunyagi at lumaban. Walang ibang patutunguhan ang mamamayan kundi ang pagkamit ng tagumpay!”

Ang lahat ng kanyang pinapaliwanag ay aking pinakikinggan at inaangkupan ng tamang tugon na sumasang-ayon subalit hindi lubusang umiintindi at nagsusuri. Adbenturismo pa nga ang umiral na palagay sa akin. Isang exciting na pangyayari sa buhay na puwedeng isalaysay sa malayong hinaharap sa iyong mga anak at apo. Sakripisyo’t kamatayan ang mga sukatan ng pinagsasabi niyang ito. Ganoon pa kababaw ang pagsusuri ko at hindi gaanong pinag-ukulan ng lubhang pag-aalala. Likas na pasibo at konserbatibo – wala ring bahid ng pag-aalala ang dumapo sa aking damdamin na delikado ang kanyang napasukan o na siya’y maaring dakpin, lapastanganin – patayin ng pulis o militar dahil sa pagkakasangkot sa rebelyon. Nalulong sa burges at pyudal na pag-iisip at pasibong pamumuhay, ako’y isa sa napakaraming mulat na nagbubulag-bulagan.

Paulit-ulit ko ngayong tinatanong sa sarili kung ano kaya ang nangyari kung marahas akong nagbawal sa kanya noong mga panahong angkin ko pa ang kanyang pagtingin.

Friday, January 13, 2006

an attempt

SA PAGTATAGPO

Matagal ko na ring inasam na siya’y muling makita’t makausap. Ang seryosong mukha na bigla na lamang ngingiti ng ubod tamis sa pagkakataong makapaglahad ng kanyang kwento tungkol sa sari-saring masa na nakapiling at lubos na pinaglilingkuran. Ang tinig na palaging may bahid na pait at pang-uyam sa mga naghaharing uri na nagpapataw ng kalbaryo ng kahirapan sa sambayanang pinag-uukulan ng lubusang pagmamahal.

Sa bawat pagbabalik-tanaw, muli kong naririnig ang kanyang propaganda hinggil sa kabuktutan ng panlipunang sistema. Muling tumatagos sa aking kamalayan ang mga realidad na nakapalaman sa bawat ideyang kanyang isinasawalat… upang ako rin ay mamulat … upang ako’y mahikayat…

“Maunlad?! Maunlad ba’ng tawag mo diyan? Ilang magsasaka ba ang inagawan ng lupa para lamang sa mga golf courses at commercial establishments na iyan? Libu-libo! At ilan naman ba ang nagmamay-ari ng mga iyan? Isa, dalawa, tatlong mayayamang gahaman sa tubo!

“Tayo ba’y nakakapasok sa mga establisyementong iyan? Hindi! Bilang binabarat na manggagawa lamang na binabanat ang lakas paggawa upang kumita ng doble-dobleng tubo…

“Kung hindi ba naman ulupong ang papet na estado sa mga ‘land reform programs’ na iyan, ang nangyayari, imbes na magkaroon ng sapat na lupang sasakahin ang mga magsasaka, ‘land grabbing’ at ‘land use conversion’ ang kinakalabasan para sa makasariling interes ng panginoong maylupa at kasosyo nilang mga monopolyo kapitalista. Ginagamit pa nila ang mga manggagantsong DAR at DENR para dito!”

Noon pa man, ang pagdadalamhati niya sa masa ng sambayanang inaapi’t pinagsasamantalahan ay lubos at walang halong pagkukunwari .

Ngunit ito’y mga pahayag na tinagurian kong walang modo at respeto sa mga nakakataas sa gobyerno. Mga pananalitang nakapaloob ang hubad na katotohanan ngunit malimit na pinalalampas sa kabilang tenga.

“ Ano bang sumaksak sa kukote mo’t bigla kang naging ganyan, ha?” ang tanong ko

“Hindi ka naman inaano ng mga iyan – inaaway mo?”

“ Kailangan tayong mamulat sa totoong nangyayari sa ating lipunan! Kailangang alamin natin kung bakit sa kabila ng ating mga pagsisikap na makatapos mag-aral, magkayod-kabayo upang umasenso ay wala! Walang nagbabago! Totoo bang mga batugan tayo at ayaw umasenso? Simpleng crab mentality ba ang problema ng sambayanan?” sumbat niya.

“ Ikaw! Mga katulad mo ang problema sa lipunan - mga walang magawa kundi magreklamo, mang-alaska at hindi makuntento!”

Ang kanyang tugon ay ang nag-uunahang pag-agos ng luha sa pisngi …